MANILA, Philippines — Tone-toneladang bigas, canned goods at iba pang pagkain ang agad na ipinadalang tulong ni Rosario Mayor Nonong Ricafrente sa Batangas City na apektado ng pagsabog ng bulkang Taal.
Sakay ng dalawang 16-wheeler truck ang mga relief goods na ipinamahagi ng mga tauhan ni Mayor Nonong sa iba’t ibang evacuation centers sa Bauan, Batangas.
Bukod sa pinagsama-samang tulong ng mga residente ng Rosario ay nagbigay din ng ayuda ang pamilya ng Alkalde.
Sinabi pa ni Mayor Nonong, dalawang araw pa lang nang sumabog ang Taal ay nasa Batangas na ang kanyang mga tauhan upang magsagawa ng relief operation.
Aniya, nagtulung-tulong ang mga tauhan ng Rosario Disaster Response Office, Bureau of Fire at mga kawani ng City Hall para i-repack ang mga bigas, delata, tubig, toiletries at iba pa na ipinamigay mismo sa mga evacuees.
Pinasalamatan ni Mayor Nonong ang mga empleyado ng Rosario dahil halos walang tulog para ma-repack ang mga relief good kaya mabilis na naipadala sa mga kababayang Batangueno.
Nagpasalamat naman si Batangas Gov. Hermilando Mandanas sa kaloob na tulong ng Rosario, Cavite.